Minimum Age of Criminal Liability
MULA EDAD 12, INAPBRUBAHAN SA HOUSE NA IANGAT ANG MINIMUM AGE OF SEXUAL CONSENT SA 16.
Dalawang dekada na ang nakalipas nang naisabatas ang Republic Act No. 8353 o kilala bilang Anti-Rape Law of 1997. Kabilang sa mga saklaw nito ang pagtatalaga ng minimum age of sexual consent pagdating sa kaso ng statutory rape.
Sa edad na dose pataas, napahihina ng batas ang akusasyon ng rape at pedophilia kung saan may laya’t kakayahan naman daw ang musmos na makapamili ng katalik o kasiping. Ito rin ang batas na nagpapalaya sa perpetrator ng rape kung pakakasalan nito ang biktima sa ilalim ng “forgiveness clause.” Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ang may pinakamababang age of sexual consent sa Southeast Asia.
Matapos ang mahigit 23 taon, edad 16 ang minimithing panibagong batayan ng sexual consent ayon sa mga mambabatas. Nangangahulugan ito na maaaring makipagtalik ang sinoman na sakop ng edad na’to hangga’t “consensual” ang kanilang relasyon.
Sa kabila ng ilang dekadang pagsusulong ng mga batas patungkol sa Violence Against Women and Children (VAW), nanatiling paurong ang mga polisiyang kinakampanya ng estado sa usaping ito. Mula sa datos ng Public Attorney’s Office, 80% sa mga biktima ng kaso ng rape ay nasa edad 18 pababa. Napatutunayan lamang nito na anuman ang edad ay mananatiling bulnerable sa abuso ang mga kabataan hangga’t patuloy na kinaliligtaan ng administrasyon ang mga kampanya natin kontra-abuso.
Hanggang ngayon ay wala pa rin ang VAW sa SONA priority bills ng administrasyon. Pinalilitaw lamang nito ang lebel ng pagtingin ng estado sa isyu ng kababaihan at kabataan. Hindi natin kailangang maghintay pa ng iilang dekada kung matagal nang suntok sa buwan kung mapakikinggan ang mga progresibong organisasyon tulad ng Gabriela.
Patungo sa pagpapabagsak ng sistemang patriyarkal, muling kalampagin ang mga mambabatas at paingayin ang bitbit nating kampanya kontra-abuso sa hanay ng kababaihan at kabataan. Abante babae!
Post a comment