← Back Published on

Walang Bakuna sa Kagutuman

Hango sa pinakatanyag na talinghagang “the invisible hand” ni Adam Smith na isinapuso ng administrasyon, nagmistulang kontrolado ng oligarkiya ang makapangyarihang kamay ng merkado sa Pilipinas. Habang pasan ng mga pesante’t ordinaryong manggagawa ang produktubidad ng ekonomiya, pinasisigla ng admin ang lokal at dayuhang pamumuhunan.

Sa likod ng mga pinakamatitigkad nitong proyektong imprastraktura, nakatambad ang mukha ng nagdaralitang sambayanan. Sa mga pinakamaralitang komunidad, suntok sa buwan ang makakumpleto ng agahan, tanghalian, at hapunan. Sa pagtaas ng presyo ng mga batayang bilihin, bihira maging ang makapaghain ng pagkain sa hapag. Salat na sa ayuda, karamihan pa’y nawalan o tinanggalan ng trabaho. Ang iba nama’y walang kasapatan ang sahod para makaraos.

May mga drayber ng jeep na tumigil sa pasada. May mga maliliit na tindahang permanente nang nagsara. May mga migranteng manggagawang napipilitang umuwi pabalik ng bansa. May mga magbubukid na wala nang makain. May mga taong tunay na namamatay sa gutom at kahirapan, higit na may pandemya. Pero hindi ito ‘yung sakit na naiibsan ng gamot. Walang bakuna sa kagutuman.

Sa Timog Silangang Asya, nangunguna ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamalalang pag-urong ng ekonomiya. Mula sa praymer ng IBON, nag-negatibo ang paglago ng GDP nito na umabot nang -9.5 porsyento nitong 2020 mula 6 porsyento noong 2019. Ito na nga raw ang pinakamalalang pagguho ng ekonomiya matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig.

Isa sa mga manipestasyon ng papabagsak na ekonomiya ay ang malawakang kawalan ng trabaho na pawang hindi kontrolado ng gobyerno—marahil dahil wala ito sa kasalukuyang prayoridad ng pamahalaan. Ayon sa datos, lumiit ang lakas paggawa sa bilang na 33.8 milyon noong Abril 2020. Ito na rin ang naitalang pinakamababang antas ng empleyo sa loob ng isang dekada.

Gayunpaman, hindi pantay-pantay na naaapektuhan ang mga sektor ng ekonomiya sa usapin ng krisis sa trabaho at produktubidad. Bagaman isa ang sektor ng agrikultura sa may pinakamalaking lakas paggawa, ito naman ang may pinakamababang kontribusyon sa GDP sa mahigit isang dekada.

Sa kabilang banda, namamayagpag ang kontribusyon ng sektor ng serbisyo sa GDP na halos 54.7 porsyento ang inabot. Wika ng mga eksperto, ang paglobo ng serbisyo ay maiuugnay sa hindi nagagaping atensyon ng pamahalaan sa kalakalan, pagbabangko, turismo, business process outsourcing (BPO), at pasugalan. Kalimitan, tangan ng mga lokal na oligarikiya’t dayuhan ang mga kompanyang nakikinabang dito—habang walang pasubaling tinatanggap ng mga ordinaryong mangagagawa ang mababang pasahod at bulnerableng kondisyon. Para sa iilan, mas mainam iyon kaysa malagot sa gutom.

Sa kabuuan, historikal ang krisis sa trabaho. Nangyari lamang na higit na pinalulubha ng pandemya ang dagok ng kontraktuwalisasyon, mababang pasahod, at hindi makatarungang kondisyon sa trabaho. Ngunit, hindi rito natatapos ang mga krisis na nagpapabansot sa ekonomiya.

Sa nakagigimbal na daluyong ng implasyon, sumabay ang kagyat na pagtaas ng presyo ng mga batayang bilihin. Kabilang dito ang presyo ng karne, isda, at gulay. Kung maggagawi man sa pamilihan, kapansin-pansin na halos kakaunti na lamang din ang nais magbenta ng mga ito. Karamigan sa kanila’y napilitan nang magsagawa ng “pork holiday.” Ito ang kondisyon kung saan pansamantala silang tumitigil sa pagtitinda dahil hindi sila nakasasabay sa inatas na 60-day price cap ng pamahalaan.

Ang pagtalaga ng regulasyon sa presyo ng mga karne nang walang karampatang subsidiya sa mga nagtitinda ang paunang tugon ng administrasyong Duterte sa price hike. Ang malubha pa’y higit na mas mababa ang ipinataw nitong price ceiling kaya’t palugi nang palugi ang mga producer. Sa presyong umaabot ng 400 pesos per kilo ng baboy, ibinaba ito ng pamahalaan sa presyong humigit kumulang 300 pesos. Datapwat maganda ang layong matamo ang seguridad sa pagkain, mahalagang maintindihan na ang grupo ng mga producer, kabilang ang mga magsasaka’t manggagawa, ay mga consumer ding nangangailangan ng nakabubuhay na sahod.

Ayon kay Nay Zen Soriano ng Amihan Peasant Women, kulang na kulang ang kinikita ng mga magsasaka dulot ng napakamurang presyo ng mga produktong pang-agrikultural na binibiling mas mahal sa merkado. Sa pagtitipid, napipilitan silang kumonsumo ng hindi masusustansiyang pagkain. Bunsod nito, marami sa kanila ang hindi na nagtatanim at ibinebenta na lamang ang lupa sa mga korporasyon.

Kung pag-uusapan naman ang ilang programang pautang at ayuda para sa mga magsasaka, iginiit ni Nay Zen na ang mga lisensyado’t miyembro ng kooperatiba lamang ang mga benepisyaryo nito dahil karamihan sa mga magsasaka’y hindi rehistrado. Kung magpapatuloy nga raw ang pagsasawalang-bahala ng gobyerno sa panawagan ng mga napag-iwanang magsasaka, patuloy na manganganib ang seguridad sa pagkain ng bansa.

Mula naman kay Xandra Bisenio ng IBON Foundation, imbes na palakasin ang lokal na produksiyon, gusto pang palalain ng pamahalaan ang pag-aangkat kung saan ang mga lokal na oligarkiya lamang ang nakikinabang. Sa kadahilang kontrolado nila ang galaw ng merkado, malaki ang kakayahan nilang diktahan ang presyo ng mga batayang bilihin.

Sapagkat karamihan sa kanila’y nagmamay-ari ng mga pinakamalalaki’t malawak na palayan at pabrika, tila inaasa na rin ng pamahalaan sa mga pampribadong sektor ang pagtutugon sa pangangailangang pangkalusugan ng mamamayan. Dulot nito, hindi nakapagtataka kung bakit parang bahag ang buntot ng pangulo sa kaliwa’t kanang panawagan ng masa laban sa mga patakarang neoliberal.

Wala na ring kasapatan ang ayuda o social amelioration program upang mapunan ang pangangailangang pangkalusugan ng pinakamahihirap na pamilya sa bansa. Walang katatagan maging ang iilang patakarang pangkabuhayan na inaasahan ng nakararaming makapag-aangat sa kanila sa kahirapan.

Sa kasalukuyan, todo pagpapasikat pa rin sa pag-angkat ng bakuna ang inaatupag ng pamahalaan. Bukod sa hindi naging matagumpay ang distribusyon nito, wari wala na silang ibang maihaing paraan para makontrol hindi lamang ang pagkalat ng virus kundi maging ang panganib ng kagutuman.

Serbisyong panlipunan ang sagot na matagal na nilang isinasantabi. Ito ‘yung lunas na hindi kailangang hingin sa mga karatig-bansa o ipaubaya sa mga eksperto. Pero sa halip na dinggin ang panawagan dito, pilit nilang isinasalang ang anu-anong atrasadong panukalang hindi naiintindihan ng masa. Sa halip na magsulong ng tunay na reporma sa lupa, pilit nilang pinagsasangga ang kapakanan ng mga mamimili sa mga pesante’t manggagawa. Ipinauubaya nila sa lokal na oligariya’t dayuhan ang istabilidad ng pamilihan, habang pinababayaan ang seguridad sa pagkain.

Ngunit sa kahit anong anggulo mo tignan, hindi likas o natural ang kagutuman. Nililikha ito. Nang pinili ng pamahalaang paglingkuran ang iilan, binitiwan nito ang mandatong mamuhay, lumaban, at tumindig kasama ang taumbayan.